Friday, February 19, 2010

ANG TUNAY NA DIWA NG EDSA 1: MULING ISILANG ANG BAGONG PULITIKA !!!!

Ngayong Pebrero 22 ay muling gugunitain ng buong bayan ang ika-24 na anibersaryo ng unang People Power Revolution noong 1986. Noong araw na yaon ay nagkaisa tayo upang patalsikin sa Malacanang ang dating Pangulong Ferdinand Marcos. Pero 24 na taon mula nang nangyari ito sa ating bansa, tila unti-unting nawala ang kanyang kinang. Dahil sa ngayon, patuloy pa rin ang kahirapan, digmaan, korupsyon, at pag-abuso sa karapatang-pantao. Hanggang ngayon, patuloy pa ring gumagala ang mga maysala sa pag-lustay ng pera ng bayan noong mga panahong yaon. Patuloy pa ring gumagala ang mga galamay ni Marcos.


Sa madaling salita, bigo ang nangyaring rebolusyon noong 1986. Kung talagang ibinalik na natin ang demokrasya, bakit patuloy pa rin ang pagpatay sa mga mamamahayag na umabot sa isandaan mahigit? Ano kaya ang nangyari?


Una, dapat nating maintindihan kung ano ang ipinaglaban natin sa EDSA. Isang dahilan kung bakit bigo ang EDSA 1 ay dahil hindi naintindihan kung ano ang ipinaglaban natin. Basta alam lang natin, kaya may EDSA 1 ay upang patalsikin si Marcos. Pero pagkatapos natin patalsikin si Apo, anong susunod? Diyan tayo nabigo. Wala tayong direksyon kung saan tayo papatungo pagkatapos ni Marcos. Kung gaanong kabilis tayong kumilos at nagkaisa, ganoon ding kabilis nawala na parang bula. Walang continuity.


Pangalawa, sa ngayon ay hindi pa rin mabwi-bawi ang mga kayamanan ng mga Marcos na ninakaw mula sa kaban ng bayan. Hanggang ngayon, parang paru-paro na malayang lumipad si Imelda. And to add insult to injury, tumatakbo pa ang anak niya sa pagka-senador.


At pangatlo, nawala ang continuity ng pagkakaisa pagkatapos ng EDSA 1. Nagkanya-kanyang landas ang mga pulitiko at personalidad ng rebolusyon. Mas lalo pang lumawak ang agwat ng mga mahihirap at mayayaman. Ito ay dahil tulad ng sinabi ko, wala kasi tayong direksyon o vision na gagabay sa atin sa pagsulong ng demokrasya. Sa halip na maging aktibo ang mamamayan ay tagasalo na lamang sila ng sistema.


Naniniwala ako ng nagkulang tayo sa EDSA 1, ngunit hindi pa huli ang lahat. Ngayong darating na Mayo ay isang rebolusyon ang muling sisiklab. Rebolusyon na pupuno sa mga naging pagkukulang natin noong unang People Power. Magkaisa tayo ngayon na may iisang layunin at vision. Muli nating buuin ang isang bagong Pilipinas. Itatag natin ang isang bagong pulitika na mag-aalaga sa yumi at ganda ng bansang ito. Tayong lahat ang magbabago ng Pilipinas.

No comments:

Post a Comment